it was a text message from my friend :].
READ IT AND understand it very well.
Sulat ni Tatay at Nanay
Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag-kainan, huwag mo sana akong kagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako tuwing sinisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng bingi, pakiulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensiya ka na, anak. Matanda na talaga ako.
Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-alalay ko sa iyo noong nag-aaral ka lamang lumakad.
Pagpasensiyahan mo na sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang-plaka. Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo na sana akong pagtatatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo yung sasabihin, maghapon kang mangungulit hanggang hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensiyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy-matanda, amoy-lupa. Huwag mo sana akong piloting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtitiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo na sana kung madalas, ako’y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin ako.
Kapag may konti kang panahon, magkuwentuhan naman tayo, kahit sandali lang, inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtitiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kuwento tungkol sa iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensiyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana… dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina..
so touching. i cried while reading this. 